2 pulis, 1 pa tiklo sa 'kotong'
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dalawang pulis at isang civilian agent ang dinakma sa isinagawang entrapment operation makaraang mangotong sa ina ng isang arestadong drug pusher sa bayan ng Sta. Maria, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, ang mga naarestong suspek na sina PO3 Jeffrey Bacud at PO1 Marcelo Ochave ng Laguna police intelligence office kabilang din ang civilian agent na si Fredie Evangelista.
Tugis naman ng mga alagad ng batas ang isa pang kasabwat na pulis na si PO1 Lobell Cabagay ng Sta Maria police station.
Ayon sa ulat, naaresto ng mga suspek ang sinasabing drug pusher na si Mark Vincent Ilagay ng Barangay Tadlac, Los Baños sa buy-bust operation habang nagbebenta ng labinglimang tea bag ng pinatuyong dahon ng marijuana bandang alas-8:45 ng gabi.
Matapos maaresto si Ilagay ay hiningan ng mga suspek ang ina ng bata ng P.2 milyon kapalit ang kalayaan nito.
“Nung malaman ng mga pulis na nagtatrabaho sa abroad ang tatay ng bata nagkainteres silang kwartahan ito,” pahayag ni Labador.
Dahil doon nag-report ang ina ni Ilagay kay P/Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Los Baños PNP kaugnay sa pangongotong ng kapwa n’ya pulis na nagbunsod para magsagawa ng entrapment operation.
Sina PO3 Bacud at Evangelista ay nakakulong sa Los Baños police station habang si PO1 Ochave ay iniimbestigahan sa provincial intelligence branch ng Laguna PNP. (Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)
- Latest
- Trending