3 anak pinatungga ng asido
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Pinaniniwalaang kahirapan sa buhay ang isa sa motibo kaya nagdesisyong isama sa hukay ng ina ang kanyang tatlong anak makaraang painumin nito ng asido ang tatlo sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Salasad, Magdalena, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manulito Labador, Laguna provincial director, ang ina na si Janette Ponce, 32; at ang kanyang mga anak na sina Marjorie, 4; Margarette, 3; at MJ, 2.
Sa police report, natutulog na ang tatlong bata nang gisingin ni Janette at sapilitang painumin ng asido sa kutsarita bago uminom din ito para sabay-sabay na wakasan ang kanilang buhay bandang alauna ng madaling-araw.
Sa panayam kay P/Senior Insp. Raul Sandoval, hepe ng Magdalena PNP, nadiskubre ng kapatid ni Jenette na si Gina nang dalawin nito ang mag-iina at lumantad ang matitigas na bangkay ng mga bata.
Sinikap pang isugod nina Gina at Barangay Captain Aniano Laso, ang naghihingalong si Janette at ang tatlong anak sa Laguna Provincial Hospital pero idineklarang patay.
Nakaligtas naman ang panganay na anak ni Janette na si Mark Genesis, 8, nang matulog ito sa bahay ng kanyang lola na katabing bahay lang ng pamilya Ponce.
Nag-iwan ng sucide note si Janette sa kanyang mga kaanak na nagsasabing patawarin siya sa nagawang krimen at alagaan ang kanyang naiwang anak na si Mark.
Napag-alamang kadalasang lugaw lamang at noodles ang pinagsasaluhan ng pamilya Ponce at maraming pagkakataong nag-iiyakan ang magkakapatid hanggang sa makatulog sa matinding gutom.
Ayon sa ilang kapitbahay, nitong nakalipas na mga araw ay madalas nakatulala si Janette na sinasabing hindi na makakayang makita na nagugutom ang kaniyang mga anak at sumusuko na siya sa problemang pinansyal.
Ipinaalam na rin sa ka-live-in ni Janette na si Jeorly Montes, isang construction worker sa Maynila, ang naganap na insidente. Dagdag ulat ni Ed Amoroso
- Latest
- Trending