Cell site uli sinabotahe
BATANGAS – Isa na namang Globe Telecom cell site ang iniulat na pinasabog ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Sto. Niño, Taysan, Batangas noong Linggo ng gabi.
Ayon kay P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, bandang alas-11:45 ng gabi nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang compound ng Globe at pasabugin ang generator set at equipment room gamit ang improvised explosive device.
Sa panayam naman kay P/Inspector Von Nicasio, deputy fire chief ng Batangas, sa kabila ng pagsabog at pagkasunog, nanatili naman ang serbisyo ng cellular phone at hindi rin naantala ang serbisyo ng kuryente sa nasabing cellsite.
Inamin din ni Nicasio na hindi sila nakaresponde agad sa lugar dahil pinigilan sila ng mga pulis matapos makakuha ng impormasyon na may nag-aabang na mga rebelde sa kanilang dadaanan para sa pananambang.
Tinatayang aabot sa P10-milyong ari-arian ang nawasak habang wala namang napaulat na namatay o nasaktan sa nasabing insidente. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending














