‘Hitman’ sa ambush-slay ng ex-vice mayor arestado
LAGUNA, Philippines – Matapos ang 16-taong pagtatago, nadakip na rin ng mga pulis ang nagsilbi umanong ‘triggerman’ sa pananambang at pagpatay kay dating Claveria, Masbate Vice Mayor Joseph Magallanes sa Sta. Rosa City, Laguna.
Ang umano’y hitman na kinilalang si Donald Ibañez, 56, ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ni Presiding Judge Teodoro Solis, ng Branch 25, sa Biñan City, Laguna, na may petsang Oktubre 17, 2012 na walang inirekomendang piyansa.
Ayon kay Col Vicente Cabatingan, Regional Intelligence Division-Calabarzon chief, na si Ibañez at ang kanyang kapatid ay nagtago sa magkaibang lugar sa mga katabing probinsya sa loob ng isang dekada kasunod ng pagapaty sa dating vice mayor.
Sa paniniwalang nabaon na limot ng awtoridad ang krimen, kumpiyansang bumalik si Ibañez sa kanyang dating tirahan sa Brgy. Balibago, Sta. Rosa City at laking sorpresa niya nang salakayin ng mga operatiba ng intelligence tracker ng RID noong Nov. 2 bandang 5:50 ng hapon sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Ang operasyon ay bahagi ng Oplan Pagtugis sa ilalim ng proyektong ‘Huli-Ween’ laban sa Most Wanted Persons lalo na sa mga gunmen ni Magallanes na nakalista sa ilalim ng Regional Most Wanted Persons sa rehiyon.
Unang naaresto ang kapatid ni Ibañez na si Dave alyas “Baldeo,” 58, na kasama nito sa umano’y pagpatay kay Magallanes, sa Golden City Subdivision, NIA Road, sa Barangay Balibago City, Sta. Rosa City noong Agosto 3, 2025.
Sa rekord ng pulisya, nakatayo si Magallanes sa harap ng gate ng kanyang bahay nang salakayin ng dalawang suspek sa Buenaros Subdivision sa Barangay Labas, Sta. Rosa City, Laguna noong Disyembre 9, 2010 bandang alas-5:30 ng hapon.
Lumalabas na away sa negosyo sa scrap trading ang motibo sa pagpatay sa biktima.
- Latest




















