NPA attack: 20 baril ng PNP tinangay
Aabot sa 20 malalakas na kalibre ng baril ang iniulat na tinangay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang salakayin ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Banay-Banay sa Davao Oriental kahapon ng umaga.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 11 director Chief Supt. Andres Caro II, naganap ang pag-atake dakong alas-8:45 ng umaga.
Kinilala ang nasugatang pulis na si PO3 Abdulhasser Persian na tinamaan ng bala sa kaniyang hita.
Sa pahayag naman ni Army Spokesman Lt. Col. Romeo Brawner Jr., ang umatakeng mga rebelde na nagpanggap na mga aktibista ay lulan ng tatlong trak at isang van ay pinamumunuan ni Danilo Nodalo, alyas Commander Benjie.
Nabatid na sumisigaw pa ang mga rebeldeng nagkunwaring mga raliyista habang bitbit ang kanilang mga placards para makalapit sa nasabing himpilan.
Kasalukuyan namang abala ang mga kawani sa munisipyo malapit lamang sa nasabing himpilan sa kanilang fellowship nang maganap ang pag-atake.
Agad pinaputukan ng mga rebelde ang nasabing himpilan saka dinisarmahan ang limang pulis na naka-duty dito.
Kabilang sa 20 baril na natangay ng mga rebelde ay ang anim na M16 rifles, dalawang 9mm pistols at cal. 22 revolver.
Sinabi ni Brawner na ang mga rebelde ay nagsitakas lulan ng nasabing mga behi kulo patungo sa direksyon ng Mahayag at Banay-Banay ng nasabing lalawigan.
Kaugnay nito, naglunsad na ng hot pursuit operations ang mga elemento ng pulisya at militar laban sa umatakeng rebelde. Joy Cantos
- Latest
- Trending