3 bata natusta sa sunog
Rizal – Tatlong batang magkakapatid ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay matapos iwanan ng kanilang mga magulang habang natutulog katabi ang nakasinding kandila kamakalawa ng gabi sa Barangay Muzon, Taytay, Rizal.
Halos maabo na at magkakatabing natagpuan ang bangkay ng magkakapatid na sina John Dexter Tejero; 5, Jhonny, 2; at Ardin, limang buwang gulang, nang matagpuan matapos na mapatay ang apoy sa kanilang nasunog na bahay sa Taytay Dumpsite sa Muzon.
Ayon sa ulat ng Taytay Bureau of Fire Protection, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi nang magulantang na lang ang mga kapitbahay ng mga biktima sa biglang paglaki ng apoy sa kabahayan ng mga Tejero dahil sa gawa lang ito sa light materials kaya madali itong sumiklab at huli na ng masaklolohan ang mga biktima.
Ayon sa mga magulang ng bata na nakilalang sina Julie Campa at Ardie Tejero, pawang mga basurero, kapwa sila wala nang maganap ang sunog dahil tumaya sila sa ending at tinapos pa ang laro sa PBA sa telebisyon.
Aminado naman silang iniwan ang kanilang mga anak na natutulog na sa kanilang bahay na nakakulambo at hindi kalayuan ang nakasinding kandila.
Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng natumba ang nakasinding kandila at dumikit sa kulambo na siyang dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy sa kabahayan.
- Latest
- Trending




















