Kelot dinukot, sinunog
MANILA, Philippines — Natagpuang sunog ang katawan ng isang 41-anyos na lalaki sa isang bakanteng lugar sa Barangay Sulsuguin, Nagcarlan, Laguna, madaling-araw nitong Biyernes, kasunod ng umano’y pagkakaaresto sa isa sa mga hinihinalang dumukot sa kanya.
Narekober ang bangkay ng biktima, na hindi muna pinangalanan, dakong ala-1:40 ng madaling-araw noong Sabado ng mga operatiba ng Luzon Field Unit ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (AKG), sa pangunguna ni Lt. Col. Ronald Patricio.
Ayon sa ulat, dinukot ang biktima kasama ang isa nitong kasama ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki sa Parañaque City isang araw bago matagpuan ang kanyang bangkay sa Laguna.
Ayon sa pulisya, isa sa mga suspek ang naaresto sa isinagawang hot pursuit operation at itinuro umano nito sa mga operatiba ang lugar kung saan itinapon ang bangkay ng biktima.
Inaalam ng mga imbestigador ang posibleng motibo sa krimen, kabilang ang personal na alitan, usapin sa droga, at selos, bukod sa anggulong kidnapping-for-ransom.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang iba pang suspek kasunod ng ulat na posibleng may isa pang biktima ng kidnapping na itinapon sa lalawigan ng Quezon. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Kasalukuyan ng nakipag-coordinate ang pulisya sa Laguna Provincial Forensic Unit (LPFU) upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen at matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima, pati na rin ang motibo at mga nasa likod ng insidente.
- Latest















