4 ahente ng palay, hinoldap
STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Humigit-kumulang sa P.6-M ang natangay ng limang armadong holdaper sa apat na mag-aahente ng palay, kabilang dito ang isang babae na binaril pa ng isa sa mga suspek, habang ang mga ito ay papauwi sa kani-kanilang mga bahay kamakalawa ng hapon sa may Sitio Saranay, Barangay Baloc, ng bayang ito.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Senior Supt. Napoleon C. Taas, Nueva Ecija Police provincial director, nakilala ang mga holdap victim na sina German Versoza, Reynaldo dela Fuente, Juanito Taruc, pawang mga nakatira sa Barangay Bakal 3, Talavera, Nueva Ecija, at ang babaeng nabaril na si Eva Ebuyat y Ebuyat, 49, may-asawa ng Cuyapo, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-5 ng hapon, pauwi na ang mga biktima sakay ng owner type jeep (CPP-763) na minamaneho ni Versoza, nang bigla silang harangin ng mga suspek.
Pilit na kinuha umano ng isa sa mga suspek ang bag na pinaglalagyan ng P600,000 na kinita ng mga biktima ngunit nanlaban pa umano si Ebuyat, na may hawak sa nasabing bag, sanhi upang barilin ito sa kanyang kaliwang hita ng isa sa mga suspek.
Nang makuha ang bag ay agad na nagsitakas ang mga suspek. (Christian Ryan Sta. Ana)
- Latest
- Trending