18 Pinoy seamen na na-trap sa hotel sa Nigeria uuwi na
Uuwi na sa bansa ngayong Sabado at Linggo ang 18 Pinoy seamen na na-trap sa Nigeria matapos na sumiklab ang kaguluhan sa Port Harcourt ng nasabing bansa kamakailan.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Claro Cristobal, ang unang batch o ang anim na Pinoy seamen ay darating ngayong araw lulan ng Emirates Airlines flight number EK 334 na lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ganap na alas-10:30 ng gabi.
Ang 12 pang tripulante o ikalawang batch ay darating sa Linggo ng umaga.
Kinilala ni Cristobal ang mga na-trap na Pinoy na sina Tomas Obial, Cesar Guadalupe, Nestor Barba, Pancho Lagutan, Edgar Ballesteros, Melchor Malana, Elmer Temblor, Simeon Avilla, William Prosia, James Panaguiton, Jozane Ponce, Ronald Padasas, Richard Peniano, Manual Tabang, Alfonso Zarate, Frankie Viacrucis, Nino Luengas at Alvin Jovellano.
Hindi nila kasama ang labi ng kasamahan nilang si Vito Cruz, isang electrician, na nasawi sa Port Harcourt matapos salakayin ng mga armadong militants sa Nigeria ang pinagsisilbihan nilang tanker noong Disyembre 19.
Nabatid na mahigit dalawang linggo ring na-trap sa hotel ang nasabing mga Pinoy kung saan doon na ang mga ito nagpalipas ng Kapaskuhan.
Muling tiniyak ni Cristobal na tatanggap ng P200,000 accident insurance at P20,000 burial assistance mula sa Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ni Cruz.
Ang labi ni Cruz ay sa susunod pang linggo maiuuwi sa bansa. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending