Murder vs ex-mayor ikinasa
TRENTO, Agusan del Sur – Pormal na nagsampa kahapon ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong murder sa prosecutor’s office sa Prosperidad, Agusan del Sur laban sa dating alkalde ng bayan ng Trento at umano’y hitman nito sa pagpatay sa isang negosyante sa Barangay Poblacion ng nabanggit na bayan noong Mayo 20, 2007.
Sa panayam ng PSN kay Atty. Aristotle Adolfo, hepe ng Anti-Organized Crime Task Force, may nakitang probable cause matapos ang evaluation at rekomendasyon ng Department of Justice, base sa testimonya ng mga testigo sa sinasabing political killing sa Trento na isinasangkot ang pangalan nina ex-mayor Escolastico “Eti” Hitgano Sr. at Yoyong Merlaspena Cutoban.
Base sa mga nakalap na testimonya ng NBI mula sa ilang testigo, binaril at napatay ni Cutoban, ang biktimang si Rommel Sarabia sa harapan ng kanyang hardware at grocery sa Purok 2 ng nabanggit na bayan, ilang araw makalipas ang eleksyon.
Sa sinumpaang salaysay ng testigong si Rebecca Sarabia, pinatawag ang kanyang anak na si Rommel ng dating alkalde na kaharap pa si Cutoban bago mag-eleksyon at pinagbantaan dahil sa pagbaligtad nitong sumuporta sa kandidatura ng asawang Hitgano sa mayoralty race.
Nakatakda namang magbigay ng counter affidavit kay Provincial Prosecutor III Victoriano I. Pag-ong ng Patin-ay, Prosperidad Prosecutor’s Office sa susunod na linggo si Eti Hitgano Sr. kaugnay ng kaso laban sa kanya.
Sa kaugnay na balita, nagsampa naman ng kasong grave threat sa pulisya si Cutoban laban kina Elmo Numancia at Rolando Abutay matapos siyang pagbantaan at ang kanyang pamilya dahil sa pagtanggi sa kahilingan ng dalawa na aminin ang pagpatay kay Rommel Sarabia.
“Inalok ako ni Numancia ng P.1 milyon para lamang aminin ang krimen at idawit si dating mayor Eti Hitgano bilang utak sa pagpatay kay Sarabia,” base sa sinumpaang salaysay ni Cutoban.
Sa tala, si Abutay na kumandidato sa pagka-alkalde laban sa asawa ni “Eti” na si Nene Hitgano ay natalo sa bayan ng Trento noong May 14 elections.
- Latest
- Trending