February 13, 2007 | 12:00am
CAMP AGUINALDO – Apat-katao ang kumpirmadong nasawi, samantalang anim pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos malason sa pinulutang isdang butete sa Sitio Romblon, Barangay Malbago sa bayan ng Madridejos, Cebu, ayon sa ulat kahapon. Kabilang sa mga namatay ay sina Bienvenido Maro, 53; Vicente Fuentes, 30; Romel Alolor, 25; at si Mario Villacarlos. Samantalang patuloy namang ginagamot sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sina Salvador Alolor, 53; Antonio Ramirez, 60; Julito Maro, 46; Delia Ramirez, 56; at John Carlo Alolor, 8; at si Felicisimo Espina, 59. Sa pahayag ni PO2 Herman Bulawit ng Madridejos PNP, isang mangingisda na tinukoy sa pangalang Rafael ang nakahuli sa isdang butete na tumitimbang sa apat na kilo bago niluto at pinulutan ng mga nag-iinuman ng alak hangang sa maganap ang insidente.
(Joy Cantos)
5 suspek sa holdap, nasakote |
CAVITE  Limang kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper ang nasakote ng mga alagad ng batas makaraang holdapin ang isang pasahero ng traysikel sa Barangay Victoria Reyes, Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Pormal na nagsampa ng kaukulang kaso ang biktimang si Richard Satin, 22, ng Barangay Paliparan 3, laban sa mga suspek na sina Frederick Jarilla, 29, sekyu; Ivan Balabat, 17; Reggie Panabe, 19; Manny Yando, 22, drayber ng traysikel; at si Jonathan Molina, 28, may-ari ng traysikel. Ayon kay PO3 Edgar Belza, sakay ng traysikel (WP-4922) ang biktima nang holdapin ng mga suspek na kasabwat ang drayber. Nasamsam sa mga suspek ang tatlong baril at mga bala kabilang na ang traysikel na ginamit sa panghoholdap.
(Cristina Timbang)
2 kawatan todas sa barilan |
CAMP CRAME – Magkasunod na bumulagtang patay ang dalawang kalalakihang notoryus na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa Tagum City, Davao del Norte kamakalawa, ayon sa ulat. Kabilang sa mga napatay ay ang tinukoy na alysa “Guwapo†at si Mark Anthony Balute na nakumpiskahan ng isang baril, motorsiklo, at mga personal na gamit mula sa biktima ng holdap. Sa ulat ng pulisya, rumesponde ang mga pulis sa pinangyarihan ng holdapan sa isang establisamyento sa capitol circumferential road. Hindi naman sumuko ang dalawa at nakipagbarilan pa sa mga tumutugis na pulisya hanggang sa gumuhit ang karit ni kamatayan sa mga suspek.
(Joy Cantos)