December 19, 2006 | 12:00am
Lider ng robbery gang pinatay |
CAMP OLIVAS, Pampanga Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 23-anyos na lalaking pinaniniwalaang lider ng robbery gang na kumikilos sa Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija sa isa na namang karahasang naganap sa Barangay Pandacaqui, Mexico, Pampanga kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang napatay na biktima na si Aljon Javier ng Barangay Sanggalang sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija. Bago mapatay si Javier ay nasangkot ito sa nakawan sa bodega ng Coca-cola sa Calumpit, Bulacan at nasakote naman, subalit pinalaya matapos na piyansahan ng kanyang mga kasamahan sa sindikato. May teorya ang pulisya na pinatahimik ang biktima upang hindi na kumanta sa modus operandi ng grupo.
(Resty Salvador)
21-anyos tinumba ng pulis |
CAVITE Isang 21-anyos na binatang walang trabaho ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang alagad ng batas makaraang manghabol ng saksak ang una sa Barangay Toclong, Kawit, Cavite kahapon ng madaling-araw. Nasapol sa ibat ibang bahagi ng katawan ang napaslang na biktimang si Jayson Crisologo ng Blk 9 Lot 10 Philhome Subd. ng nabanggit na barangay. Tugis naman ng mga awtoridad ang suspek na si SPO1 Marlon Samonte, 39, naka-assign sa himpilan ng pulisya sa Parañaque City at kapitbahay ng biktima. Ayon sa tagapagsiyasat na si SPO1 Serafin Villamor, namataan ng suspek na tumatakbo ang biktimang may hawak ng patalim na inakala namang may naganap na karahasan kaya agad na pinaputukan ng baril.
(Cristina Timbang)
2 rebelde todas sa bakbakan |
CAMP CRAME Dalawang rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang iniulat na napaslang matapos na makipagbarilan sa tropa ng militar sa mabundok na bahagi ng Sitio Langawel, Barangay Datablao sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat kamakalawa. Hindi naman nabatid ang pagkikilanlan ng mga rebeldeng napatay na kapwa tauhan ni Kumander Asuona may hawak pang malalakas na kalibre ng baril. Base sa ulat, nakasagupa ng mga sundalo ng 27th Infantry Battalion na nagpapatrulya sa magubat na bahagi ng Sitio Langawel nang sumiklab ang bakbakan bago bumulagta ang dalawang rebelde. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa panig ng militar.
(Joy Cantos)
Cafgu dinedo sa hapag-kainan |
CAMP VICENTE LIM, Laguna Hindi na umabot pa ng Pasko ang isang 29-anyos na miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit matapos pagbabarilin ng mga rebeldeng New Peoples Army habang nag-aalmusal ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay. Tayamaan, Mamburao, Occidental Mindoro noong Linggo ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Audie Arroyo, provincial director, ang biktimang si Antonio Andeo, samantalang nakaligtas naman ang kanyang utol na si Joey. Napag-alamang pinasok ng mga rebelde ang bahay ng biktima bago isinagawa ang krimen. Sa nakalap na impormasyon ng PSN, si Andeo ay dating rebelde sa Mindoro bago naging aktibong kasapi ng Cafgu na siyang sinisilip na dahilan kung bakit ito pinaslang.
(Arnell Ozaeta)