Mister inatado ng ka-live-in
August 9, 2006 | 12:00am
CAVITE Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang 51-anyos mister makaraang saksakin ng kanyang ka-live-in partner dahil sa matinding selos kahapon ng madaling-araw sa Barangay Ibayong Silangan, Naic, Cavite. Hindi na nakapanlaban pa ang biktimang si Mario Ramos sa sunud-sunod na saksak ng patalim ng suspek na si Lina Magarso, 45, ng nabanggit na barangay. Ayon kay PO1 Richard Atienza, ganap na alas-3 ng madaling-araw nang magtalo ang magka-live-in sa pambabae ng biktima hanggang sa maganap ang krimen sa loob ng tahanan ng dalawa. (Cristina Timbang)
CAMP CRAME Karit ni kamatayan ang sumalubong sa magkapatid na bata habang tatlo pa ang nasugatan makaraang matabunan nang gumuhong bundok ang tahanan ng isang pamilya dulot ng bagyong "Inday" sa Sitio Balani, Barangay Lucog, Tabuk, Kalinga nitong Lunes ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Allen Mark Carpio, 5 at Claudine Carpio, 11. Kabilang sa mga nasugatan ay sina Aida, 39, ina ng mag-utol, panganay na anak na si Roderick, 15 at amang si Salvador, 41. Napag-alamang gumuho ang mabundok na bahagi ng Mt. Oggaga na tumabon sa tahanan ng pamilya Carpio na ikinasawi ng magkapatid at ikinasugat ng tatlo pa. Naitala naman sa 17 pamilya (128 katao) habang may 24 kabahayan pa, isang simbahan at isang eskuwelahan ang nawasak ni "Inday". (Joy Cantos)
CAMP CRAME Winakasan ng isang 24-anyos na binata ang kaniyang kinabukasan makaraang magbigti dahil iniwan ng kanyang nobya, kamakalawa sa Tugbok District, Davao City kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Joey Señerez ng Ruby St., Mintal, Tugbok sa naturang lungsod. Sa testimonya ng mga kaanak, bago naganap ang insidente ay labis na naging malulungkutin ang biktima dahil sa pagkikipaghiwalay ng kanyang kasintahan. Sinubakan nilang kausapin at libangin ang biktima, subalit mas ninais na magkulong palagi sa kanyang silid hanggang sa makita itong nakabitin. Tinangka rin ng pamilya na kausapin ang kasintahan ni Señerez upang makipagbalikan, subalit tumanggi ito, ayon sa ulat ng pulisya. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended