Engkuwentro: 4 rebelde tumba
May 6, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Apat na rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang iniulat na napaslang habang isa namang sundalo ng Phil. Army ang nasugatan sa panibagong sagupaan sa liblib na bahagi ng Barangay Sumilihan, Butuan City, Agusan del Norte kahapon ng umaga. Inaalam ng militar ang pagkikilanlan ng mga rebeldeng napatay dahil walang anumang identification card na makuha. Ayon kay AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Col. Tristan Kison, ganap na alas-5 ng umaga nang sumiklab ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng 9th Company ng Armys 30 Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni 2nd Lt. Escapalao. Tumagal ng 15-minuto ang bakbakan hanggang sa bumulagta ang apat na nakumpiskahan ng 3 M16 rifles, isang M203 at garand rifle. (Joy Cantos)+
CAMP CRAME Malawakang pagtugis ang isinasagawa ng mga awtoridad laban sa apat na preso na pumuga mula sa Sultan Kudarat Provincial Jail, kamakalawa. Kabilang sa tinutugis ay sina Guinald Buat, 35; Thatong Sabandal, 32; Rakman Palaguyan, samantalang nasakote naman si Allan Labay sa isinagawang follow-up operation. Ang apat na preso ay may mga kasong kidnapping, robbery, multiple homicide at double frustrated murder at carnapping, ayon pa sa ulat. Naitala ang pagpuga ng apat bandang alas-2:35 ng madaling-araw matapos lagariin ang rehas na bakal. Nadiskubre ang pagtakas ng apat kinaumagahan matapos ang headcounts. Nabatid lamang ang pagkakatakas ng naturang mga preso kinaumagahan matapos na magsagawa ng headcount ang mga jailguard dito. (Joy Cantos)
CAMP CRAME Tatlong CAFGU at isang kumander ng mga rebeldeng tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang napatay habang isa pa sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan sa naganap na madugong bakbakan sa masukal na bahagi ng Sitio Bohe-Marang, Barangay Sungkayut, Tipo-Tipo, Basilan kamakalawa. Gayon pa man, pansamantalang hindi tinukoy ang mga pangalan ng napatay na CAFGU dahil kailangan pang impormahan ang kanilang pamilya. Kinilala naman ang napatay na kumander na si Pilinsa Insana, may standing warrant of arrest sa kasong murder. Sa ulat na tinanggap kahapon ni Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr., dakong alas-5 ng hapon nang sumiklab ang sagupaan habang nagsasagawa ng security operation ang militar. Agad naman nagpulasan ang mga rebelde na pinaniniwalaang pinamumunuan nina Nuruddin Muddalan, alyas Not Halaptal Adhin at Long Hadji Masud. (Joy Cantos)
Cavite Arestado ang isang 17-anyos na tinedyer makaraang pumalpak ang planong pagpatay sa isang barangay kagawad sa Barangay Old Bulihan, Silang, Cavite kamakalawa ng gabi. Naghihimas ng rehas na bakal at pormal na kinasuhan ang suspek na itinago sa pangalang Mark ng Area 1, General Mariano Alvarez, samantalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan si Reynaldo dela Cruz, 51, retiradong kawal ng Phil. Army at naninirahan sa Zone 7, AFP Housing sa nabanggit na barangay. Sa pagsisiyasat ni SPO1 Montano Ambid, bandang alas-6:20 ng gabi nang lapitan ng suspek ang nakaupong biktima sa harap ng sariling bahay. Napag-alamang tinangkang paputukan ng baril ang biktima, subalit nagmintis kaya mabilis namang naagaw ang baril at nasakote ang suspek. Inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng suspek. (Cristina Timbang)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest