1 patay, 3 grabe sa sakuna
February 10, 2006 | 12:00am
CAVITE Kumpirmadong nasawi ang isang 23-anyos na obrero,samantalang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang bumaligtad ang pampasaherong bus sa kahabaan ng Soriano Highway na sakop ng Barangay Amaya1 sa bayan ng Tanza, Cavite kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Winnie Corpuz ng Barangay Langkaan 1, Dasmariñas, Cavite. Samantala, malubhang nasugatan sina Marlon Versoza, 26, ng Barangay Sahud Ulan, Tanza, Cavite; Marites Jacson, 35, ng Nazareno st., Naic, Cavite at Cecilia Baquiran ng Summer Crest Subdivision, Barangay Sahud Ulan, Tanza, Cavite. Nakapiit naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng bus (DWH-447) na si Jovito Baguion, 42, ng General Trias Drive ,Silangan 2, Rosario, Cavite. (Lolit Yamsuan)
BULACAN Tatlo-katao kabilang na ang isang tauhan ng pulisya ang dinakip ng mga awtoridad makaraang maaktuhang gumagamit ng bawal na gamot sa isinagawang raid sa Barangay Bangkal sa bayan ng Meycauayan, Bulacan, kamakalawa ng gabi. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina PO2 Lucman Marmaya, 52, ng Barangay Malhacan at nakabase sa Camp Olivas, Pampanga; Reynaldo Pineda, 51, ng Barangay Lawa at Jocelyn Cruz, 29, ng Barangay Bancal ng nabanggit na bayan. Nakumpiska sa mga suspek ang hindi nabatid na gramo ng shabu at materyales ng droga. (Efren Alcantara)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isang 6-anyos na nene ang kumpirmadong nasawi makaraang madulas at mahulog mula sa tulay at malunod sa ilog na sakop ng Barangay San Isidro Ilawod sa bayan ng Malilipot, Albay kamakalawa. Bandang alas-3:30 ng hapon nang mamataang lumulutang ang bangkay ng biktimang si Shaira Mae Pazlero ng Purok 6 Ilaya ng nasabing barangay. Ayon sa pulisya, huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-11:30 ng umaga habang tumutulay sa nasabing lugar at posibleng aksidenteng nadulas kaya nahulog at inanod ng malakas na agos ng tubig-ilog. (Ed Casulla)
CAMP CRAME Dalawang miyembro ng CAFGU ang kumpirmadong nasawi makaraang bistayin ng bala ng baril ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Davao del Norte, kamakalawa. Kinilala ang nasawi na sina CAFGUs Raul Juaton at Bartolome Cabuyag. Sa report ng Police Regional Office (PRO) 11, naganap ang insidente sa bisinidad ng Brgy. El Salvador, New Corella ng lalawigang nabanggit bandang alas-6:30 ng umaga. Bago tuluyang tumakas ay tinangay ng mga rebelde ang baril ng mga biktima na kinabibilangan ng isang garand rifle at isang homemade M79 grenade launcher. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest