Mga sangkap ng bomba nasabat
January 19, 2004 | 12:00am
CAMP AGUINALDO Ibat ibang uri ng sangkap sa paggawa ng bomba ang nadiskubre ng mga awtoridad makaraang masabat ang abandonadong bangkang-de-motor sa karagatang sakop ng Sangay Siapo island, Tawi-Tawi kamakalawa. Sa ulat na isinumite sa Camp Aguinaldo, kabilang sa nakumpiska ay 13 plastic containers, 300 blasting caps, 100 empty blasting caps at drum ng kemikal sa sangkap ng bomba. May teorya ang mga awtoridad na may nagkukutang terorista sa nabanggit na lugar at balak na maghasik ng kaguluhan pero naudlot matapos na madiskubre ang ibat ibang uri ng sangkap sa bomba. (Ulat ni Joy Cantos)
LINGAYEN, Pangasinan Isang 36-anyos na Bombay na pinaniniwalaang nagpapautang ng malaking halaga ang iniulat na pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nakaupo sa nakaparadang sasakyan sa national highway na sakop ng Barangay Minien East, Sta. Barbara sa bayang ito noong Biyernes ng hapon. Idineklarang patay sa Region 1 Medical Center ang biktimang si Amrik Sangar Singh ng Zarate Subdivision, Arellano St., Dagupan City. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nakaupo ang biktima sa pag-aaring Tamaraw FX na may plakang TRN-245 nang lapitan ng nag-iisang lalaki saka inundayan ng sunud-sunod na saksak ng patalim. (Ulat ni Cesar S. Ramirez)
CAVITE Aabot sa P1 milyong pera, alahas at paninda ang kumpirmadong tinangay ng apat na hindi kilalang kalalakihan makaraang holdapin ang mini-grocery kahapon ng madaling-araw sa Barangay Bayanan, Bacoor, Cavite. Kabilang sa naholdap ay sina Delo Malaki, Tito Nomar, Alfie Jay Lao at Lito Barcenas na pawang empleyado ng 7-11 store. Ayon sa pulisya, naitala ang insidente dakong alas-4:15 ng madaling-araw makaraang pasukin at tutukan ng baril ang guwardiyang si Misael Bautista saka sinikwat ang ilang mahahalagang paninda, alahas at pera ng mga biktima. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
CAMP SIMEON OLA May posibilidad na paghihiganti ang naging motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang ex-convict ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang ang biktima ay nasa sariling bahay sa Sitio Imbudo, Barangay Jamorawon, Milagros, Masbate kamakalawa ng gabi. Tinadtad ng bala ng baril ang katawan ni Edgar Rodriguez, 40, matapos na pasukin ang bahay nito sa nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya, kalalaya pa lang sa kulungan ng biktima sa kasong murder nang itinumba ng mga rebelde. May palagay ang mga imbestigador na pinaghigantihan ng mga rebelde ang biktima dahil sa napatay nito ang isa sa kamag-anakan ng NPA. (Ulat ni Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
6 hours ago
Recommended