November 17, 2003 | 12:00am
CAMP AGUINALDO Dalawang lider ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang iniulat na nalambat ng tropa ng militar sa magkahiwalay na operasyon sa Surigao del Norte. Isinailalim sa tactical interrogation sina Alex Subayano, alyas Oyoy, Jose at Lino na lider ng Section 1 Front Committee 16 at Felipe Blog, alyas Abba, kalihim ng nasabing grupo. Batay sa ulat, si Subayno ay nasakote ng Armys 20th Infantry Battalion habang nagpapahinga sa kanyang pinagkukutaan sa liblib na barangay na sakop ng Alegria, samantalang si Blog naman ay inaresto sa Sitio Pingaping, Barangay Motorpool, Tubod, Surigao del Norte.
(Ulat ni Joy Cantos)
| Trader Dinedo Ng Maninikwat |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 23-anyos na negosyante ng apat na maninikwat makaraang pasukin ang tindahan ng biktima sa Barangay Bonifacio, Uson, Masbate kamakalawa ng hapon. May tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang biktimang si Wilfredo Aredondoa, samantala, ang apat na maninikwat ay agad na tumakas matapos isagawa ang pagnanakaw pero positibong nakilala nang lumutang na saksi ang isa na si Renante Buenviver. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na bandang alas-2:30 ng hapon nang pasukin ng apat ang tindahan ng biktima na nagpapahinga. May teorya ang pulisya na nanlaban ang biktima sa apat kaya pinaslang.
(Ulat ni Ed Casulla)
| Nang-Agaw Ng Kateybol Tinodas |
TAYABAS, Quezon Isang 18-anyos na binata ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi kilalang lalaki makaraang mang-agaw ng kateybol ang biktima sa loob ng Tita Mayles videoke bar sa Barangay Calumpang sa bayang ito kamakalawa ng gabi. Sabog ang bungo ni Renato Ayalde ng Barangay 3, Sariaya, Quezon, samantala, agad naman tumakas ang killer matapos na isagawa ang krimen dakong alas-12 ng hatinggabi. Sa imbestigasyon ni SP04 Marte Huerto at PO3 Felisito Labitigan, pumasok ang grupo ng biktima sa videoke bar saka umupong katabi ng lamesa ng grupo naman ng suspek na may kateybol na GRO. Dahil sa pagkalango sa alak ay hinablot nito ang kateybol na GRO ng suspek hanggang sa maganap ang pamamaslang.
(Ulat ni Tony Sandoval)
| Anak Nagbigti Sa Pagkamatay Ng Ama |
NUEVA ECIJA May posibilidad na dinamdam ng isang 23-anyos na binata ang pagkamatay ng sariling ama kaya nagdesisyong magbigti sa kanilang bahay sa Barangay Dulong bayan, Quezon, Nueva Ecija kamakalawa ng madaling-araw. Bandang alas-7:30 nang matagpuang nakabitin sa kisame ng banyo ang biktimang si Efren Resureccion. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na nagsimulang naging matamlay ang pagkatao ng biktima nang mamatay ang sariling ama hanggang sa magdesisyong magbigti.
(Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)