Ama tinubo ng anak, utas

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang ama matapos hatawin ng tubo sa ulo ng sariling anak sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Carsadang Bago 2, Imus City, Cavite, kamakalawa.
Ayon sa report, kinilala ang biktima na si Alfredo Blanco ng Golden Villas Subd., Brgy. Carsadang Bago 2, Imus City, Cavite, na namatay habang ginagamot sa Ospital ng Imus dahil sa tinamong sugat sa ulo.
Kaagad nadakip ang suspek at anak ng biktima na si alyas Diego dahil sa pagpatay sa sariling ama nito.
Nahaharap din sa kasong Obstruction of Justice si alyas Geofrielle na naaresto nang tinangka nitong harangin ang pag-aresto sa suspek.
Ayon sa isa pang anak ng biktima, alas-10:30 kamakalawa ng umaga, bago naganap ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at kapatid nito sa loob ng kanilang bahay sa Block 15, Lot 9 Golden Villas Subd., Brgy. Carsadang Bago 2, ng nasabing lungsod.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo, kumuha ng patalim ang suspek at sinaksak ang ama, subalit nakailag pero nakakita ng isang tubo at ipinukpok sa ulo ng kanyang ama na nagresulta sa pagkakatumba nito saka mabilis na tumakas.
Isinugod naman ang biktima sa ospital subalit namatay din ito habang ginagamot habang ang suspek ay naaresto sa isang follow-up operation.
- Latest