Ika-183 death anniversary ni ‘Hermano Puli’, ginunita
MANILA, Philippines — Sa kabila ng maulang panahon ay ginunita noong Lunes ang ika-183 anibersaryo ng kamatayan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala bilang “Hermano Puli” sa Isabang, Tayabas City.
Pinangunahan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang seremonya kasama sina Tayabas City Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, mga Punong Tanggapan sa pangunguna ni P.A Manny Butardo, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon kabalikat ang Southern Command ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para sa pag-alala sa kabayanihan, kontribusyon at sakripisyo ni Hermano Puli.
“God is really Good, tayong lahat ang tumatamasa ng iniwang kapayapaan ni Hermano Puli, kung kaya’t bilang Quezonian marapat na sama-sama nating pagyamanin at pagyabungin ang yaman na mayroon ang lalawigan ng Quezon,” ayon pa sa gobernadora. Hiling naman ni Gov. Tan na maisabatas na ng kongreso ang ika-4 ng Nobyembre bilang opisyal na holiday sa lalawigan ng Quezon para sa paggunita sa kamatayan ni Hermano Puli.
Sa naturang seremonya, kinilala ng gobernadora ang mahalagang ambag ni Hermano Puli sa mga taga-Quezon, partikular sa kanyang pakikibaka para sa mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan. Ayon kay Gov. Tan, ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng lipunan na kailangan magpatuloy sa pagtutok sa mga programang makikinabang ang mamamayan, gaya ng mga proyekto sa edukasyon, kalusugan, at imprastraktura.
- Latest