Manibela nagkasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng grupong Manibela ang nakatakda umano nilang regalo para sa mga commuters ngayong holiday season.
Sa official Facebook page ng Manibela, inianunsiyo nitong ipatutupad nila ang libreng sakay sa buong bansa sa mismong araw ng Pasko sa Disyembre 25 at sa Bagong Taon, Enero 1, sa kasagsagan ng morning at afternoon rush o mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi.
“Mapagpalang araw po sa ating lahat, ang grupong Manibela ay maglulunsad ng libreng sakay ngayong holiday season bilang pasasalamat sa mga komyuters na nakiisa sa ating pakikipaglaban sa ating mga karapatan, bilang pagbabalik ng biyaya, magkakaroon ng libreng sakay ang buong pwersa ng Manibela sa buong bansa sa Disyembre 25, 2024 at Enero 1, 2025,” anang Manibela.
Sa kanilang pagtaya, nasa lima hanggang sampung minuto ang pagitan ng bawat available na unit ng jeep depende umano sa ruta at trapik.
Ayon sa grupo, layunin ng libreng sakay na ipakita ang kanilang pasasalamat sa mga commuters na nagpakita ng suporta sa kanilang naging laban kontra sa jeepney phaseout.
- Latest