Marcos, Zelenskyy nagkita sa Malacañang
Ukraine magtatayo ng Embahada sa Pinas
MANILA, Philippines — Nagkita kahapon ng umaga sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Ukraine President Volodymyr Zelenskyy sa isang mabilis na bilateral meeting sa Malacañang.
Sa ginanap na pulong, tinalakay ng dalawang lider ang mga ginagawang hakbang ng dalawang bansa upang makamit ang kapayapaan sa harap ng mga kinakaharap na mga pagsubok at krisis.
Nagpasalamat si President Zelenskyy sa Pangulo dahil sa suporta nito sa kanilang bansa at sa malinaw na posisyon ng Pilipinas sa pananakop ng Russia sa Ukraine.
“Thank you so much for your big word, and clear position about us, about this Russian occupation of our territories and thank you on your support on the, in your nations, with your resolutions, “ani Zelenskyy.
Ikinalugod naman ng Pangulo ang pagdating ni Zelenskyy sa Pilipinas dahil sa kabila ng pagiging abala nito ay nagawang makadaan sa bansa at matalakay ang mga mahalagang isyu na pareho ng kinakaharap ng Pilipinas at Ukraine.
“It is a great pleasure to meet with you to discuss some of the issue that are common to our two countries and hopefully find ways for both of us together. Once again, I wish it were under better circumstances but I’m happy that you are able to come and visit with us, Mr. President,” anang Pangulo.
Ang Ukraine ay dumaranas ng matinding pagsubok laban sa pananakop ng Russia habang ang Pilipinas naman ay nahaharap sa hamon ng umiinit na tensiyon sa West Philippine Sea dahil sa pilit na pag-aangkin ng China sa mga teritoryong pag-aari ng Pilipinas.
Kasabay nito, inihayag ni Zelenskyy kay Pangulong Marcos jr. ang planong pagbubukas ng kanilang embahada sa Pilipinas ngayong taon na isa aniyang magandang desisyon para sa kanilang bansa.
- Latest