2 paslit nasagasaan ng taxi, 1 patay!
MANILA, Philippines — Patay ang isang 5-anyos na batang lalaki habang malubhang nasugatan ang 6-anyos nitong pinsan matapos na masagasaan ng isang nagmaniobrang taxi habang naglalaro ang dalawa sa gilid ng kalsada sa luksang pagsalubong sa Bagong Taon sa lungsod ng Caloocan nitong Biyernes ng hapon.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Dr. Jose N Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong mga sugat sa katawan ang biktimang si alyas “Isma”, 5-anyos habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ng pinsan nitong si alyas JC, 6-anyos, kapwa ng Brgy. 187, Caloocan City.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury ang driver ng taxi na si Christopher Cacho, 47, ng Block 21, Lot 38, NHA Phase 6A Graceville, San Jose Del Monte City, Bulacan.
Sa imbestigasyon ni PSSg Dennis Michael Natividad, alas-3 ng hapon tinatahak ng naturang taxi na minamaneho ni Cacho ang kahabaan ng Dalia St., Brgy., 187 at patungong Catleya nang mahagip at masagasaan nito ang mga biktima na nakaupo at naglalaro lang umano sa gilid ng kalsada.
Sa video footage na nakalap ng mga awtoridad, makikitang bigla na lamang nagmaniobra paliko ang driver ng taxi na tuluy-tuloy na sinagasaan ang dalawang bata matapos silang iwan na ng isa pang batang babae na pinuuwi na kanilang bahay.
Kaagad isinugod sa pagamutan ang dalawang bata pero idineklarang patay ang isa habang nadakip ng pulisya ang driver ng taxi.
- Latest