EDITORYAL - Salot na agri smugglers
MAY batas na laban sa agricultural smugglers subalit tuloy pa rin ang mga salot sa kabuktutan. Patunay lamang na hindi sila nasisindak at hinahamon ang pamahalaan ni President Ferdinand Marcos Jr. Malaking insulto sa pamahalaan ang ginagawang ito at dapat kumilos ang pamahalaan para maputol ang sungay ng mga salot sa lipunan.
Noong Disyembre 23, nakasamsam ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Plant Industry (BPI) ng P1.5 milyong halaga ng mga smuggled na puting sibuyas at mga frozen na karne sa isang bodega sa Taguig City. Dalawang tao ang naaresto. Ayon sa mga awtoridad, nakumpiska sa bodega ang mga sibuyas, karot, luya, at bawang na galing China.
Sa katapat na grocery, nasamsam naman ang mga frozen na karne at isda na karamihan ay nabubulok na. Galing din sa China ang mga karne at isda. Walang lisensiya sa pag-import at pamamahagi ng mga produkto ang dalawang establisimento. Tumanggi ang mga may-ari na magkomento. Kinasuhan sila ng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at Consumer Act of the Philippines.
Nilagdaan ni Marcos ang Agricultural Economic Sabotage Act noong Setyembre 26, 2024 na ang layunin ay mahinto na ang agricultural smuggling sa bansa na nagdudulot nang malaking perwisyo sa bansa at pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka. Sa ilalim ng batas, habambuhay na pagkakulong at multang limang ulit ang halaga sa ipinuslit na produkto ang kaparusahan.
Subalit sa halip na mapigilan ang smuggling ng agri products, lalo pang naging mabangis ang mga salot. Ilang araw lang makaraang lagdaan ang batas, nakakumpiska ang Department of Agriculture at Bureau of Customs ng P3.5 milyong halaga ng sibuyas sa Manila South Harbor. Sumunod na linggo, nakasamsam uli ang DA at BOC ng 300 tonelada ng smuggled na sibuyas at carrots sa dalawang malalaking bodega sa Navotas City.
Sa mga isinagawang pagdinig sa House of Representatives at Senado, may mga binanggit na importer na kakutsaba ng mga negosyante na nagmamanipula sa presyo. Ang kutsabahan ng importers at negosyante ang dahilan kaya nagmamahal ang presyo ng agri products. May cartel sa bigas kaya kahit inalis ang buwis sa rice importation, mataas pa rin ang presyo sa pamilihan. Sa kasalukuyan, ang presyo ng bigas ay P40 hanggang P50 bawat kilo na hindi kayang abutin ng mga mahihirap na Pilipino.
Patuloy ang agri smugglers at mga kakutsabang negosyante sa ginagawang kabuktutan sa lipunan. Pagbayarin na sana ang mga ito at huwag lang pagbantaan. Kawawa ang bansa at mamamayan.
- Latest