Ika-4 impeachment vs VP Sara iniumang
MANILA, Philippines — Iniuumang na ang ikaapat na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na inaasahang ihahain sa ikalawang linggo ng Enero 2025 sa pagbabalik muli ng sesyon ng Kongreso matapos ang bakasyon nitong kapaskuhan.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ang tatlong impeachment na inihain laban kay VP Sara ay isusumite pa lamang sa House Committee on Justice dahil maaaring hinihintay pa ni House Secretary General Reginald Velasco ang ikaapat na impeachment laban kay Duterte.
Ang Kongreso ay nakatakdang magbalik sesyon muli sa Enero 14, 2025 kung saan maaaring ihain ang ikaapat na impeachment laban kay VP Sara kaugnay ng hindi umano wastong paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan nito na umaabot sa P612.5 milyon simula noong huling bahagi ng 2022 at ikatlong quarter ng 2023.
Sinabi ni Castro na maaaring sinisimulan nang pag-aralan ng House Committee on Justice ang tatlong impeachment laban kay VP Sara at maaaring hinihintay pa ni Velasco ang ikaapat na reklamo.
Nabatid na hindi pa isinusumite ni Velasco sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Romualdez ang ikaapat na impeachment dahil nirerebyu pa ng House Legal Department ang merito ng nasabing kaso.
Sa kabila ng paparating na ang midterm election, sinabi ni Castro na may sapat na oras pa para maisulong ang impeachment laban kay VP Sara. Idinagdag pa nito na ilang miyembro ng Minorya sa Kamara ang sumuporta na sa signature drive na inilunsad ng Makabayan coalition na naglalayong makakalap ng 1/3 na boto o 106 miyembro ng Kamara para maisulong ang impeachment upang mapabilis ang proseso ng impeachment.
- Latest