19 tepok sa lunod sa Holy Week
MANILA, Philippines — Nasa 19 katao ang naitalang nasawi sa pagkalunod sa panahon ng Semana Santa o Holy Week mula Lunes Santo hanggang Sabado de Gloria ng umaga, ayon sa report ng Philippine National Police (PNP).
Sa ulat, sa mga insidente ng pagkalunod mula Marso 25 hanggang alas-9 ng umaga nitong Marso 30, kabilang dito ang walong menor-de-edad na naitala sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Western Visayas, Davao at CARAGA Region.
Ayon sa PNP sa nasawing 19 katao, walo rito ang menor-de-edad at 14 ang nasa hustong gulang at matatanda, habang tatlo naman ang nasugatan.
Nakapagtala ng pinakamaraming nasawi sa pagkalunod ang PRO-IVA o Calabarzon na nasa pito katao.
Nadagdag pa nitong Biyernes Santo na nasawi ang isang 59-anyos na mister habang naliligo sa isang beach resort sa Brgy. Nibaliw West, San Fabian, Pangasinan.
Namatay rin dakong alas-2:30 ng hapon si Simon Peter Escober sa Wawa River sa Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal matapos malunod nang mapagawi sa malalim na bahagi ng ilog.
Sa San Pablo City, Laguna, namatay ang batang si Jacob Gamboa Naguit, 13-anyos matapos malunod sa outing ng mga kaklase ng kaniyang kapatid sa Jarina Brion Resort sa San Pablo City, Laguna dakong ala-1:30 ng hapon.
Bandang alas-3 ng hapon nang malunod rin si Francis Fortifaes Pasamba, nang tumalon dulot ng kalasingan sa Coco Pier na may lalim na 10 metro sa Brgy. Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon.
Sa Sta Cruz, Laguna, patay rin si Rodemar Magtubo dakong alas-8:30 ng gabi matapos maligo sa ilog habang lasing.
Sa inisyal na tala ng PNP, nasa 212 na indibidwal ang kabuuang nasawi sa pagkalunod sa mga karagatan at ilog sa buong bansa mula Enero hanggang Marso 28 ng taong ito habang nasa 223 naman ang nasugatan sa magkakahiwalay na insidente.
- Latest