Mga karangalan na inani ng AYFO, pinuri ni Salceda
MANILA, Philippines — Pinuri ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang ‘Albay Young Farmers Organization, Inc. (AYFO)’ dahil sa mga karangalang inani nito na ang pinakahuli ay ang taguring ‘first of its kind civil society youth organization (CSO)’ sa bansa.
Isinulong at tinulungan ni Salceda ang pagtatag ng AYFO at mga adhikain at programa nito na naglalayong palaguin ang sektor ng agrikultura at maging puwersa ng kabataan tungo sa tiyak na kasaganaan sa pagkain sa Albay at buong rehiyon ng Bicol at sa buong bansa.
Tinanggap ng AYFO ang pinakahuling parangal nito noong ika-1 ng Disyembre 2023 mula kay Department of Agriculture (DA) Bicol Regional Director Rodel P. Tornilla.
Kinilala ng DA ang AYFO bilang “lehitemong CSO” at ‘partner’ ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa sa agrikultura at pangingisda at iba pang mga katulad na inisyatibo.
Binigyang diin ni Salceda ang napakahalagang papel ng AYFO sa pagpapalaganap ng mga tamang kaalaman at impormasyon sa makabagong teknolohiya sa agrikultura at pagsasaka na ayon sa kanya ay “crucial” na kailangan para sa mga susunod na henerasyon.
Bago ang parangal mula sa DA, umani rin ang AYFO ng maraming parangal bilang pagkilala sa sadyang kahanga-hangang mga nagawa nito, kasama ang ‘Ten Accomplished Youth Organization (TAYO) Award,’ mula sa hanay ng mga 491 katulad nitong mga samahan sa bansa; ‘Adhika Fellowship Grant Award,’ ‘San Miguel Better World Award,’ at bilang pangalawa sa ‘Video Stint Award,’ na lalong nagpatibay sa isinusulong nitong ‘agriculture and community development’ at iba pang inisyatibo.
- Latest