Kamara itinulak ang Prisoner Transfer Program para sa mga Pinoy na nakakulong sa abroad
MANILA, Philippines — Itinulak kahapon ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng gobyerno ng International Prisoner Transfer Program upang dito na lang sa Pilipinas ikulong ang mga Pilipino na nahatulan sa iba’t ibang krimen abroad.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan maaaring gawing modelo ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), at Department of Migrant Workers (DMW) ang inisyatiba ng Estados Unidos.
Anya, sa pamamagitan nito ay mapapalapit sa kanilang mga pamilya ang mga na-convict na mga Pinoy para sa kanilang rehabilitasyon.
Partikular namang kinalampag ni Libanan ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ) at Department of Migrant Workers (DMW) para magtrabaho sa mga detalye para maisakatuparan sa bansa ang bagong programa.
Sa tala ng Department of Migrant Workers, nasa 1,254 mga Filipino ang nahatulan sa iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific, Europe at Middle East kaugnay ng mga kasong kriminal.
Magugunita na nitong nakalipas na buwan ay ini-repatriate sa bansa ang death row survivor na si Mary Jane Veloso, 39 matapos makulong ng halos 15 taon sa bilangguan sa Indonesia sa kasong drug trafficking.
- Latest