40% PUJs sa NCR na nakasunod sa consolidation deadline
MANILA, Philippines — Nasa 40% ng Public Utility Jeepneys (PUJs) sa National Capital Region (NCR) at 70% nationwide, ang nakapag-consolidate na sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ito ang iniulat kahapon ni Department of Transportation (DOTr) -Office of Transportation Cooperatives chairperson Jesus Ferdinand Ortega, inaasahang sa mga susunod na araw ay ilalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pinal na bilang nito sa mga susunod na araw.
Matatandaang nagtapos na nitong Disyembre 31, 2023, ang aplikasyon para sa konsolidasyon ng mga jeepney operators bilang kooperatiba o korporasyon.
Una nang idineklara ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na nila palalawigin ang deadline nito.
Ang mga mabibigong mag-aplay sa konsolidasyon ay hindi na umano papayagan pang mag-operate simula Enero 1, 2024, partikular na ang mga rutang nasa 60% ng PUVs ang nakapagsumite ng aplikasyon.
Ang mga mag-o-operate naman sa mga ruta na mas mababa sa 60% ang konsolidasyon, ay papayagan pa ring makabiyahe hanggang sa Enero 31.
Upang maiwasan ang krisis sa transportasyon, ang mga consolidated operators ay maaaring mag-aplay ng special permits at mag-deploy ng kanilang mga jeepneys sa mga apektadong lugar.
- Latest