Mga lugar na isinailalim sa state of calamity, umakyat na sa 154
Patay kay Egay nasa 27 na...
MANILA, Philippines — Dahil sa epekto ng bagyong Egay at habagat ay nadagdagan pa ang mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Sa huling ulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 154 munisipyo at siyudad sa anim na rehiyon sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity na dating nasa 151 na lugar lang.
Ang mga calamity area ay nasa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region.
Ang naturang mga rehiyon ang nakaranas ng matinding pagbaha kung saan maraming indibidwal ang naapektuhan.
Dahil nasa state of calamity, magagamit na ng mga LGU at Provincial Government ang kanilang calamity fund.
Awtomatiko ring ipinapairal ang ‘price freeze’ sa mga pangunahing bilihin sa mga calamity area.
Samantala, umakyat na sa 27 ang mga naiulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong Egay sa bansa.
Sa nasabing bilang, dalawa pa lamang ang kumpirmadong nasawi sa bagyo habang 25 ang isinasailalim pa sa beripikasyon ng mga otoridad.May 52 ang naiulat na nasaktan at 13 ang naiulat na nawawala.
Habang mahigit sa 765,000 pamilya o lagpas sa 2.8 milyong indibidwal ang naaapektuhan ng bagyo mula 4,646 barangay sa 13 rehiyon.
- Latest