Kapakanan ng consumers nanaig sa SC ruling - More Power
MANILA, Philippines — Tagumpay ng buong Iloilo City ang naging desisyon ng Korte Suprema sa may 2 taong legal battle sa pagitan ng dalawang power firm sa Iloilo City na More Electric and Power Corp. (More Power) at Panay Electric Company (PECO) kung saan makakaasa na umano ang may 65,000 power consumer ng ligtas, de-kalidad at maayos na serbisyo sa kanilang kuryente.
Ayon kay More Power President Roel Castro, ang desisyon ng SC na kumakatig sa More Power ay patunay na kapakanan ng publiko ang una sa lahat.
Ayon kay Castro, makaaasa ang buong Iloilo City ng moderno at maaasahang power service mula sa More Power na may ilang dekada nilang hindi naranasan.
Samantala, hinimok ng mga mambabatas ang PECO na tanggapin na ang naging kapalaran ng kanilang kumpanya at hayaan nang makapagserbisyo ang bagong power firm.
Sinabi ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda na noong una pa lamang ay kumpiyansa na ang Kamara na kakatigan ng SC ang naging desisyon nito na ibigay sa mas karapat-dapat na kumpanya ang prangkisa na aniya ay dumaan sa legal na proseso.
Gayundin ang pahayag ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, aniya, noon pa man ay batid nilang ibabasura ng SC ang petisyon ng PECO dahil wala na itong prangkisa para makapag-operate bilang power utility.
Sa botong 8-6 ay kinatigan ng SC ang petisyon ng More Power at binaligtad ang July 2019 ruling ng Mandaluyong Regional Trial Court na nagdedeklara na unconstitutional ang Sections 10 at 17 ng Republic Act 11212.
Ang Section 10 at Section 17 ng nasabing batas ay nagbibigay kapangyarihan sa More Power na i-expropriate o bilhin ang mga private assets ng PECO kabilang ang poles, wires, cables, transformers, switching equipment, stations at mga gusali, machinery at equipment na ginagamit nito sa kanilang operasyon.
Dahil itinakda na ng SC na legal at constitutional ang Section 10 at Section 17 ay wala nang magiging balakid para itakeover ng More Power ang assets ng PECO.
- Latest