Mas malawak na PWD inclusivity sa trabaho, pinanawagan
MANILA, Philippines — Bilang tugon sa mga hamon na kinakaharap ng Persons with Disabilities (PWDs) sa paghahanap ng trabaho, muling iginiit ng TRABAHO Partylist ang pangangailangan ng mas matibay na mga panukalang batas upang isulong ang mas inklusibong paglahok ng mga may kapansanan sa lakas paggawa ng Pilipinas.
Sa kabila ng umiiral na mga batas, marami pa rin sa mga PWD ang nahihirapang makahanap ng regular na trabaho, kaya’t patuloy na itinutulak ng partido ang mga polisiyang tutugon sa mga hadlang na sistematiko at panlipunang stigma na humahadlang sa kanilang buong partisipasyon sa ekonomiya.
Ayon kay TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, bagama’t may mga batas tulad ng Magna Carta for Disabled Persons na naglalayong magbigay ng oportunidad at benepisyo sa PWDs, nananatili pa rin ang malalaking balakid na kanilang kinakaharap.
Batay sa pag-aaral, marami pa rin sa mga PWD sa bansa ang nananatiling walang trabaho o di kaya’y underemployed, na nagreresulta sa matinding kahirapan dahil sa kakulangan ng naaangkop na oportunidad sa trabaho.
Binigyang-diin ni Atty. Espiritu na hindi sapat ang paggawa lamang ng mga legal na balangkas, kundi kailangang may konkretong solusyon at pagbabago sa pananaw ng lipunan.
- Latest