COVID jokes bawal sa Valenzuela
MANILA, Philippines — Nagbabala si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na parurusahan ang sinumang gagamit sa COVID-19 bilang joke o prank sa lungsod.
Ito ay matapos na aprubahan ng konseho ang City Ordinance 708 o ordinansang nagbabawal sa “COVID jokes” na nangangahulugan na mapaparusahan ang sinumang magpapanggap na may COVID o magbibiro ng anumang bagay na maaaring magdulot ng takot ukol sa nasabing deadly virus.
Sa ilalim nito, bawal nang magkalat ang mga tao ng pekeng impormasyon tungkol sa virus, kabilang na ang pagpapanggap o pag-aakusa kaninuman ng pagiging COVID-19 positive kahit ‘di totoo.
Sakop nito ang paggamit sa COVID-19 bilang biro sa mga usapan mapa-personal man, liham, telepono, e-mail, social media, at kahit na ano pa.
Sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 at/o sociocultural service sa lungsod gaya ng pagre-repack at pamamahagi ng relief goods o community service. Sa mga lalabag na 17-anyos pababa, kailangang sumailalim sa intervention program ng City Social Welfare and Development Office, gaya ng counseling, rehabilitation at community service.
- Latest