Paglikas sa mga OFW sa Middle East, ipinahahanda
MANILA, Philippines — Bunsod ng tumitinding tensiyon sa Middle East, iginiit kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel na dapat maghanda na ng evacuation plan ang gobyerno para sa paglilikas ng mga overseas Filipino workers (OFWs) lalo na iyong mga nasa Iran, Iraq at Syria.
Ayon kay Pimentel dapat ay nakalatag na ang mga dapat gawin at gawing prayoridad ang kapakanan ng mga OFW.
Nilinaw naman ni Pimentel na wala namang pinapanigan ang Department of Foreign Affairs at hindi na dapat palalain pa ang sitwasyon.
Lumutang kahapon ang pangamba na mauwi sa World War 3 ang ginawang airstrike ng Amerika sa Iraq kung saan nasawi ang Iranian commander na si Qasem Soleimani.
Pinangangambahan naman ni Pimentel ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa tensiyon.
Ayon kay Pimentel, dapat seryosohin ng Department of Energy ang paghahanap ng bagong mapagkukunan ng langis tulad ng pagbili ng gobyerno ng langis mula sa Russia.
Idinagdag ni Pimentel na may bahagi ang Russia na hindi naman malayo sa Pilipinas kaya dapat pag-aralan ang pagbili ng langis sa nasabing bansa.
- Latest