4 pulis, 1 pa utas sa shootout
MANILA, Philippines - Nauwi sa pagpapalitan ng putok sa pagitan ng mga awtoridad at isang grupo ng mga kriminal nang ihahain na sana ang arrest warrant sa most wanted na lider ng grupo, na ikinasawi ng apat na pulis, at nalagay sa kritikal na kundisyon ang tatlo pang mga awtoridad, sa bayan ng Lubuagan, Kalinga, nitong Martes ng umaga.
Napatay din sa nasabing palitan ng putok ang aarestuhin sanang most wanted lider ng grupo na si Willy Sagasag.
Base sa ulat ng Cordillera Police, sinabi ni Carlos na dakong alas-7:30 ng umaga nang ikasa ang operasyon ng pinagsanib na hanay ng Kalinga Provincial Public Safety Company, Regional Public Safety Battalion (RPSB) at Kalinga Provincial Police Office laban sa grupo ni Sagasag na umano ay may patong sa ulo na P.6-M.
Isisilbi na sana ang warrant of arrest kay Sagasag nang umano’y biglang sinalubong ng grupo nito na kargado ng matataas na kalibre ng baril at agad pinaputukan ang hanay ng pulisya.
Kinilala ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos ang mga nasawing biktima na sina PO3 Cruzaldo Lawagan, PO2 Juvenal Aguinaldo, PO1 Vincent Tay-od at PO1 Charles Ryan Compas.
Patuloy namang isinasalba ang buhay sa pagamutan ang mga nasa kritikal na nasugatan na nakilala namang sina Sr. Inspector Eduardo Liclic, PO1 Ferdinand Asuncion at PO1 Ferdie Diwag.
Agad na nakatakas ang grupo ni Sagasag nang makitang bumulagta na ito sa gitna ng putukan.
Nagsasagawa na ngayon ng malawakang hot pursuit operations ang mga awtoridad laban sa mga nakatakas na miyembro ng grupong kriminal.
- Latest