Pang-aabuso ng mga airport taxis dapat matigil
MANILA, Philippines - Dapat aksyunan ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang mga reklamo ng publiko kaugnay sa napakataas na fare charge ng mga airport taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang sinabi ni Senator Sonny Angara na negatibo ang magiging epekto nito sa imahe ng Pilipinas na mistulang pinalalayas sa bansa ang mga dayuhan na nais bumisita.
“Napakaraming naglabasang kwento sa social media tungkol sa mga abusadong airport taxi na ‘ginto’ kung maningil ng pamasahe. Wala silang pakialam kung ang mga pasaherong ito ay kapwa nila Pinoy o mga dayuhan man, dahil ang habol nila ay makakabig ng malaking halaga sa di makatarungang paraan,” ani Angara.
Panahon na aniya para busisiin ito ng mga opisyal sa airport, gayundin ng transport officials ang napakatagal ng problema dahil posibleng ito pa ang pagsimulan ng pagbagsak ng turismo ng bansa.
Sa isang post ng Top Gear Philippines na kumalat sa Facebook, nilapitan umano sila ng isang yellow airport taxi na agad umano silang prinesyuhan ng driver nito ng halagang P1,800 mula NAIA Terminal 2 hanggang Mandaluyong.
Sa halip na sumakay, minabuti na lamang umano ng grupo na tiisin ang mahabang pila para sa ordinaryong taxi na sumingil lamang sa kanila ng halagang P320.
- Latest