Walang pambili ng gatas... Beybi patay sa dinedeng tubig
MANILA, Philippines - Hindi na naisalba ng mga doktor ng Tondo General Hospital ang isang buwang gulang na sanggol matapos na ito ay mabulunan sa ipinadedeng tubig kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.
Ang biktima ay kinilalang si Regine Ramirez ng 2701 Lico St. Tondo, habang isinasailalim naman sa interogasyon ng pulisya ang ama nito na si Rogin, 36.
Sa salaysay ni Rogin, bago niya nakitang walang malay ang anak na sanggol dakong alas-11:15 ng umaga ay pinadede muna niya ito ng tubig matapos na umalis ang misis niya na si Janet para maghanap ng mauutangan ng pera na pambili ng gatas.
Ayon kay Rogin dahil sa walang gatas ipinasya niyang padedehin muna ng tubig ang sanggol hanggang sa makatulugan niya ito.
Mahigit isang oras na ang nakakalipas nang maalimpungatan si Rogin at dito na niya nakita ang kanyang anak na hindi na gumagalaw kaya’t mabilis niya itong dinala sa nasabing ospital, subalit namatay din ito matapos mabulunan umano ng ipinadedeng tubig.
Magsasagawa nang otopsiya ang mga otoridad upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng sanggol.
- Latest