PNP nainsulto sa kumalat na larawan ng 3 ‘pulis’ na naka-diaper
MANILA, Philippines – Inamin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nainsulto sila sa pagkalat sa internet ng larawan ng 3 lalaking nakasuot ng uniporme ng pulis at walang suot na pang-ibaba kundi adult diaper.
Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Senior Superintendent Wilben Mayor hindi na nila bibigyan ng atensyon ang isyu kundi mas pagtutuunan na lang nila ng atensyon ang pagbibigay ng seguridad sa publiko kaysa hanapin pa at papanagutin ang grupong nasa likod nito.
Magugunita na noong Linggo sa Luneta sa gitna ng makasaysayang misa ni Pope Francis ay nakatawag-atensiyon ang tatlong lalaking nakasuot ng uniporme ng pulis ngunit walang ibang suot na pang-ibaba kundi adult diaper.
Agad itong nakunan ng larawan na kumalat naman sa social media na kung saan ay sari-sari ang naging reaksyon ng netizen at bagama’t may ibang natawa lang at marami ang bumatikos.
Ayon kay Mayor, hindi totoong mga pulis ang mga lalaking nakunan ng larawan at lumantad na ang grupong nagpakilalang Project Awesome Philippines bilang nasa likod ng ayon dito’y isang “social experiment.”
Sinasabing nag-ugat ito sa kontrobersyal na aksyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong traslacion ng Poong Nazareno sa Quiapo kung saan pinagsuot ni Chairman Francis Tolentino ng adult diaper ang mga tauhan niya.
Humingi na ng paumanhin ang Project Awesome Philippines at nilinaw na hindi nila intensyong sirain ang imahe ng PNP.
- Latest