19 oras itinagal ng parada... 1 pang deboto nasawi sa traslacion
MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ng isa ang namatay sa traslacion ng Itim na Poong Nazareno matapos na isang deboto ang natapakan habang ipinapasok sa Simbahan ng Quiapo ang imahe kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Christian Mel Lim, 18, ng no. 1926 Anakbayan St. Malate, Maynila na natagpuang walang malay sa entrance gate bago pa ang main door ng nasabing simbahan ng mga volunteer ng Philippine Red Cross.
Ayon sa PRC volunteer na si Ampie Galpo, na binuhat nila ang biktima at dinala sa kanilang station booth at dito ay napuna na wala nang vital signs kaya’t dinala nila ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) na kung saan ay idineklara itong dead-on-arrival.
Napuna na ang katawan ng biktima ay puno ng mga galos at may mga bakat ng mga paa ang damit nito na may indikasyong natapak-tapakan ito ng mga debotong sumama sa traslacion.
Una nang nasawi ang 43-anyos na si Renato Gurion na miyembro ng Hijos Del Nazareno matapos atakehin sa puso habang nasa ibabaw ng andas noong Biyernes ng umaga matapos maipit ng mga tao na umaakyat para humalik sa imahe.
Samantala, mahigit 19-oras ang itinagal ng traslacion ng Itim na Nazareno at alas-3:41 kahapon ng madaling araw nang tuluyang maibalik sa Quiapo Church ang andas na umalis dakong alas-8:15 ng umaga noong Biyernes sa Quirino Grandstand.
Maghapong naging mabagal ang usad ng prusisyon dahil sa milyun-milyong debotong nakaabang, nagpapasan at nagpipilit makaakyat sa andas na kinaroroonan ng imahen. Sa higit 19 na oras na traslacion ay may namatay sina Gurion at Lim at mahigit 1,000 ang nabigyan ng atensyong medikal.
- Latest