Beerhouse shootout: 2 utas
MANILA, Philippines - Nauwi sa madugo ang masayang inuman sa loob ng isang beerhouse habang humahagupit ang bagyong Ruby nang barilin at mapatay ng dalawang suspek ang isang engineer, kasama nito at pagkasugat ng isa pa kahapon sa Antipolo City, lalawigan ng Rizal.
Hindi na umabot ng buhay ang mga biktimang sina Raul Tabayaay, 54, civil engineer at Arwin Conseca matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Habang nasa kritikal na kalagayan si Melvin Enriquez na nagtamo din ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagpalabas na ng kautusan si Rizal provincial director Senior Supt. Bernabe Balba ng manhunt operation laban sa dalawang hindi pa kilalang suspek.
Batay sa ulat, dakong alas-11:15 ng gabi ay dumating ang mga biktima sa Sabado Nights Resto Bar na matatagpuan sa kahabaan ng Marcos Highway, Sitio Kamias, Brgy. Bagong Nayon upang magpalipas ng oras dahil sa malakas ng buhos ng ulan dulot ng bagyong Ruby.
Nang malapit ng maubos ang inumin ng mga biktima ay biglang tumayo ang dalawang suspek na malapit sa mesa ng mga una na agad bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga ito.
Kaswal lang na naglakad ang mga suspek nang duguang bumulagta ang mga biktima.
Dinala ng mga tao sa lugar ang mga biktima sa ospital, subalit namatay din ang dalawa.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril.
- Latest