P1.4-B napinsala... 27 katao todas kay Ruby
MANILA, Philippines - Tumaas na sa 27 katao ang nasasawi sa paghagupit ng bagyong Ruby partikular sa Eastern Visayas na kung saan ay nasa P1.4 bilyon ang napinsala.
Batay sa ulat ng Philippine National Red Cross (PNRC) na umaabot na sa 27 ang nasawi na ang karamihan ay sa Borongan City, Eastern Samar.
Ang bagyong Ruby ay huling nag-landfall sa Lubang Island sa Occidental Mindoro matapos na hindi na ito direktang manalasa sa Metro Manila bagaman dumaranas pa rin ng malalakas hanggang sa katamtamang bugso ng ulan.
Ayon kay Gordon ang 27 kataong nasawi na ay ini-report ng kanilang mga volunteers na umaayuda sa mga apektadong evacuees.
Gayunman ang nasabing bilang ay taliwas sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama na nag-ulat lamang ng tatlong patay matapos na tanggalin na sa listahan ang dalawang nasawi sa hypothermia sa Iloilo.
Idinagdag pa ni Pama bagaman may 8 napaulat na nasawi sa bagyo sa Eastern Samar na nakarating sa kanilang tanggapan ay isinasailalim pa ito sa masusing beripikasyon upang alamin kung talagang sa bagyo namatay at hindi sa sakit.
Sa ulat pa ni Pama nasa P1.4 bilyon na ang inisyal na pinsala ng bagyong Ruby sa agrikultura at hayupan habang patuloy pa ang assessment sa Regions V, VII at VIII.
Naitala sa P 963.322 M ang napinsala sa palay at mais habang sa iba pang pananim ay nasa P8.036 M.
Sa sektor ng hayupan ay nasa P 809,550 ang napinsala at sa pangisdaan ay nasa P38.2235 M. Nasa P 29.994 M ang naging pinsala sa agrikultura at imprastraktura.
- Latest