Barko sa Korea lumubog: 13 Pinoy nawawala
MANILA, Philippines – Pinangangambahang nasawi ang 52 dayuhang mangingisda kabilang ang 13 Pinoy matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang barkong pangisda sa karagatan ng Korea noong Lunes.
Sa report na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA), may pitong crew ang unang nasagip at narekober ang isang katawan, subalit nananatiling nawawala ang mga mangingisda kabilang ang nasabing bilang ng mga Pinoy.
Inaalam ng Embahada ng Pilipinas ang pagkakakilanlan ng mga Pinoy na nawawala sa karagatan at nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa kanilang manning agency.
Pinaniniwalaan ng Korean Foreign Ministry na bunga ng masamang lagay ng panahon ay hindi nakayanan ng barko ang mga malalakas na hampas ng malalaking alon sa dagat sanhi upang lumubog ito sa kanlurang bahagi ng Bering Sea.
Lulan ng barko ang 62 crew na binubuo ng 35 Indonesians;13 Pinoy;11 South Koreans at isang Russian inspector.
May nakakabit umanong walong life boats sa barko, subalit isa lang ang nagamit at sinakyan ng pitong nakaligtas na mangingisda.
Ang nasabing barko na 35 ng taon at may bigat na 2,100 tonelada ay umalis sa Busan, South Korea noong Hulyo 10 patungong Bering Sea upang manghuli ng isdang “pollock”, isang “winter delicacy” sa South Korea.
- Latest