Cotabato blast: 1 utas, 17 sugatan
MANILA, Philippines - Isang bomba ang sumabog sa harap ng isang eskwelahan na ikinasawi ng isang estudyante at pagkasugat ng 17 iba pa na naganap kamakalawa sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.
Binawian habang sakay ng ambulansiya na bumibiyahe patungo sana sa ospital ang biktimang si Monique Mantawil, 19-anyos
Isinugod naman sa Kabacan Specialist Hospital at Kidapawan Hospital ang mga nasugatang biktima para malapatan ng lunas dahil sa mga tinamong shrapnel sa kanilang mga katawan.
Ilan sa mga nasugatan ay kinilalang sina Queen Mary Alimuhanid, Ritchie Baguio, Ibrahim Bantulan, Hartzel Bragat, Giezel Mae Butil, Usman Dimacaling, Arvie Estrella, Vestoni Gevero, Tonton Kusain, Merwin Lagat, Mohamid Masukat, Anwar Danungen Montokayan, Rowena Nufies, Albert Pagatpat, Flo Rohana, Girlie Royless at Samra Sembaga.
Sa ulat na nakarating kay Col. Dickson Hermoso, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division (ID), bandang alas-6:30 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa overpass sa harapan ng Pilot Elementary School sa Poblacion, Kabacan, North Cotabato.
Habang isa pang hindi pa sumasambulat na bomba ang narekober ng Explosives and Ordnance Team ng militar at pulisya na nagresponde sa lugar sa gate ng eskuwelahan.
Pinaniniwalaan naman na kagagawan ng BIFF, ang mga spoilers o grupong tumututol sa peace talks ang pagpapasabog habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest