Bahay ni Purisima pinasilip
MANILA, Philippines – Binuksan sa media ang kontrobersiyal na bahay ni Philippine National Police Chief Dir. Gen. Alan Purisima. Unang inamin ng heneral na pag-aari niya ang lupa’t bahay na nasa Barangay Magpapalayok, San Leonardo, Nueva Ecija.
Sa pamamagitan ng media tour, kahapon ng umaga, ipinakita ang ilang bahagi ng bahay na nakatayo sa 4.7 ektaryang lupain.
Ayon kay Purisima na binabaha at ordinaryo lamang ang mga materyales at kasangkapan sa kontrobersiyal niyang resthouse na pinasilip niya sa media upang ipakita na wala siyang itinatago.
Ang PNP Press Corps ay sinamahan ni PNP Spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor, mga staff at ilang legal counsel ni Purisima sa nasabing rest house.
Una nang inihayag ni Purisima na ang nasabing ari-arian na nasa 4.5 ektarya ay nagkakahalaga ng P 3.7 M na nabili nito sa halagang P 57,000 kada ektarya noong 1998 sa panahong mura pa ang lupa sa lugar.
Ayon naman sa staff ni Purisima na hindi ito maikukumpara sa mga magagarbong bahay sa mga executive villages sa Metro Manila tulad ng Corinthian Hills, Greenmeadows Subdivision sa Quezon City; Forbes Park at Dasmariñas Village sa Makati City at iba pa.
Sa personal na pag-oobserba nabubulok at napabayaan na ang mga rattan na upuan at lamiseta sa gazebo, nilulumot ang maliit na swimming pool na taliwas sa napaulat na olympic size ay sumusukat lamang ng 7.5 meters by 15 meters.
Samantalang sa loob ng rest house nito ay walang sala at diretso kusina, walang mamahaling gamit habang ordinaryo lamang ang ilang kasangkapan at materyales na ginamit dito habang ang telebisyon ay sobrang liit na hindi pa kilala ang brand.
Ang nasabing rest house ay sumusukat lamang ng 204 metriko kuwadrado na sinimulang itayo noong 2002 at ni-renovate noong 2012 matapos na bahain noong 2012. Lima ang kuwarto dito, tatlo sa ibaba at dalawa naman sa itaas.
Sinabi ni Atty. Tito Purisima, pinsan at isa sa mga legal counsel ni PNP Chief na malayo sa mga pinalulutang ng kritiko na nasa P30 hanggang P 50 M ang presyo ng bahay sa ordinaryong mga kasangkapan at materyales nito ay aabot lamang ito sa P5M ang presyo sa kasalukuyan.
- Latest