Jeep sumalpok sa barandilya: 3 dedo, 28 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang tatlo katao habang 28 pa ang nasugatan nang aksidenteng sumalpok sa konkretong barandilya sa tabi ng highway ang isang pampasaherong jeepney sa San Fernando City, La Union kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Evangeline Arizobal, 34 anyos; Loren Mayo, 43; pawang dead on the spot at Helen Salcedo, dead on arrival naman sa Ilocos Training Regional and Medical Center (ITRMC), habang nilalapatan naman ng lunas sa Bethany Hospital at ITRMC ang 28 nasugatang biktima kabilang dito ang 27 pasahero at ang driver na si Eugene Marquez, 33-anyos.
Naganap ang insidente dakong alas-7:45 sa bahagi ng Horse Shoe road, Brgy. Pias ng lungsod na ito at patungong San Fernando proper ang nasabing jeep (AVW-217) na minamaneho ni Marquez ng biglang mawalan ito ng kontrol at preno habang nasa pakurbadang kalsada.
Bunga nito ay sumalpok sa konkretong barandilya sa tabi ng highway ang jeep na tumaob at naipit pa sa bakal ang dalawang biktima na sina Arizobal at Mayo.
Samantalang nagkaroon rin ng landslide sa nasabing lugar noong linggo ng gabi sanhi ng pagbuhos ng malalakas na ulan dulot ng pagbayo ng bagyong Luis sa Northern Luzon. Iniimbestigahan pa rin ang nasabing insidente.
- Latest