10 bus na colorum nahuli
MANILA, Philippines - Tumataginting na P10 milyon ang maaaring makolekta na multa ng pamahalaan sa 10 colorum na bus na nahuli ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) sa magkakaibang lugar sa bansa simula nang ipatupad ang paghuli sa mga ito nitong Huwebes batay sa ipinatupad na JAO 2014-01.
Ayon kay LTO assistant Secretary Alfonso Tan Jr., ang 10 operators na nahuli ng kanilang mga traffic enforcers ay ang dalawang Bachelor Express bus (LYE-668) sa Region 10 na biyaheng Butuan City hanggang Cagayan;Buenasher Transport Corp. (PVH-460) na may biyaheng EDSA ang bus na paso ang prangkisa mula pa noong Enero 23.
Ang Lucena Lines (TYK-695) sa Alaminos, Laguna na paso ang prangkisa at rehistro; Jerel Transport Corp. (Sunrays Bus Lines) sa Region 7, na may plakang GWF-633.
Dalawang Super 5 bus sa Region 5, biyaheng Maynila; AOM Bus sa Region 5 mula Naga City patungong Legazpi City; Dalin Liner sa Region 2, na may plakang BVB-591; at NELBUSCO sa Region 2 (BVK-502).
Sinabi ni Tan na seryoso ang LTO na pigilan ang laganap na paglabag sa ipinapatupad na kautusan ng kanilang kagawaran dahil parte ito ng kanilang reform program para maging maayos ang ating mga kalsada sa lahat ng pampubliko at pribadong sasakyan.
- Latest