Andas ng Poong Nazareno binago ang disenyo
MANILA, Philippines — Upang matiyak na hindi matuntungan ng mga deboto, binago ang disenyo ng andas na pagsasakyan sa imahe ng Poong Nazareno para sa Traslacion sa Enero 9, 2025 at nilagyan ng ventilation system ang loob para maiwasan ang moisture.
Mula sa dating nakalantad na imahe ng Poong Nazareno habang inililibot ito, sa bagong disenyo, nasa loob na ito ng tempered glass na may bubong at mga ilaw.
Ayon kay Fiesta Adviser Alex Irasga, nagkaroon umano ng malaking pagbabago sa disenyo ng andas upang mas maging maayos at ligtas kumpara sa mga nakalipas na pagdaraos ng traslacion.
Nilinaw ni Irasga na ang innovation ay isang work in progress sa hangarin na mas makita ang Poong Hesus Nazareno ng milyon-milyong deboto, sa halip na ang mga deboto ang nakikita dahil natatabunan ng mga sumasampa sa andas.
“Pinakikiusapan po ang lahat na huwag nang sumampa sa andas upang higit na makita ang imahen ng Hesus Nazareno ng higit na nakararami nating kapatid na kapwa deboto. Nawa ay paraanin at iwasan na salubungin ang lubid at andas. Maari pa rin tayong magpahid ng panyo sa mga itinalagang Hijos sa andas para maipahid,” dagdag pa ni Irasga.
Hindi naman binago ang ruta ng prusisyon na daraan sa tatlong plaza, mga parke, 18 national at city roads, anim na tulay at isang underpass.
- Latest