Bahay ng 2 tumatakbong mayor pinasabugan
MANILA, Philippines - Pinaulanan ng grenade launcher ang bahay ni mayoralty bet Akmad Ampatuan, isa sa mga wanted na suspek sa karumaldumal na Maguindanao massacre sa nangyaring insidente sa Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat, bandang alas-11:00 ng gabi tinatayang nasa 20 armadong lalaki ang nagpaulan ng 40 millimeter at 5.56 millimeter na bala ng M203 at M79 grenade launcher gayundin ng M16 rifles sa compound ng bahay ni Ampatuan sa nasabing lugar.
Wala namang nasugatan sa insidente, dahilan walang tao sa bahay ni Akmad na nagtago sa batas simula ng madawit at isa sa mga pangunahing suspek sa Maguindanao massacre na kinasangkutan ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan.
Bagaman, wanted sa batas si Akmad ay muli itong tumakbo sa pagka-alkalde ng kanilang bayan na ikinakampanya ng mga supporters nito.
Paghihiganti o vendetta mula sa panig ng mga kaalyado ng mga biktima ng Maguindano massacre ang pangunahing sinisilip na motibo ng insidente.
Samantala, pinasabugan din ang bahay ng mayoralty bet na si Lamitan City Vice Mayor Arleigh Esima sa Aguinaldo St., Brgy. Maganda, Lamitan City, Basilan.
Ayon kay Basilan Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Mario Dapilloza, dakong alas-9:00 ng gabi nang mangyari ang pagsabog sa bahay ni Esima na kung saan ay napinsala ang behikulo nito na nakaparada sa garahe. Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring insidente.
- Latest