Ex-militar, 3 pa dinakip… P.2-M reward sa shooter ni Stephanie
MANILA, Philippines - Naglaan ng P200,000.00 reward money ang local na pamahalaan ng Caloocan City sa sinumang makapagtuturo sa nagpaputok ng baril noong kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon na ikinasawi ng 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella matapos tamaan ito ng bala sa ulo habang nanonood ng fireworks sa labas ng kanilang bahay sa 2066 San Lorenzo Ruiz, Barangay 185, Malaria, Tala ng nasabing lungsod.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico Echiverri na naniniwala na sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabuya ay mas mapadadali ang pagtukoy sa pagkakakilanlan sa suspek na nagpapaputok ng baril.
Ayon pa kay Echiverri, hindi sila titigil hanggang hindi natutukoy ang pagkakakilanlan ng taong may kinalaman sa pagkamatay ni Stephanie Nicole na pinaniniwalaang malapit lamang sa tinitirhan ng biktima.
Nagsagawa na ng house to house investigation ang mga tauhan ng Caloocan City Police at ang mga barangay tanod sa mga residenteng naninirahan malapit sa bahay ni Stephanie Nicole.
Samantala, isang dating sundalo at tatlo nitong kainuman ang dinakip ng mga pulis matapos na umamin na ang una ang nagpaputok ng kalibre .45 baril noong kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa suspek na si Juan Agos na siya ang nagpaputok ng baril noong Bagong Taon dahil sa udyok ng tatlong kainuman.
Subalit, sinabi nito sa mga otoridad na hindi niya ipinutok sa itaas ang baril kundi sa isang kanal.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya na ang bala na tumama sa ulo ni Stephanie Nicole ay hindi tumugma sa bala ng baril na ginamit ni Agos.
Kaya’t inaalis ng pulisya na suspek si Agos sa pangyayari kay Stephanie Nicole, subalit kakasuhan naman ito ng discriminate firing ng pulisya.
Kaugnay nito, nakatakda namang hilingin ni Mayor Echiverri sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng “saturation drive” sa naturang lugar upang mas mapadali pa ang pagtukoy sa suspek.
Nabatid na anim na basyo ng kalibre .45 ang nakuha ng mga pulis malapit sa pinangyarihan ng insidente sa San Lorenzo Ruiz, Malaria ng nabanggit na lungsod noong Enero 1, 2013 kung saan tinamaan ang bata sa ulo dakong alas-12:15 ng madaling araw at dinala ito sa East Avenue Medical Center kung binawian ng buhay noong Enero 2 ng taong kasalukuyan dakong alas-2:26 ng hapon.
Ayon naman kay Chief Inspector Joseph Palmero, Chief ng PNP Medico Legal Division ang biktima ay nasawi sa ‘brain hemorrhage secondary to the gunshot wounds’ na tinamo nito.
Ang bala ay tumama sa kaliwang bahagi ng utak ng bata na naglagos sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha sa tabi ng ilong nito.
Sinabi ni Palmero na ‘fatal “ o grabe ang tinamong tama ng bala ng bata kung saan ay ‘brain dead’ o comatose kaagad ang bata na tuluyang sumakabilang buhay matapos ang dalawang araw na pakikipaglaban kay kamatayan.
Samantala, sa inisyal na autopsy report ng medico legal division ng Philippine National Police (PNP) ang baril ay pinaputok ng gunman sa distansyang 50 metro lang ang layo mula sa kinatatayuan ni Stephanie Nicole habang ito ay nanonood ng fireworks kasama ang mga kaanak sa labas ng kanilang bahay.
Tiniyak naman ni PNP Chief Director Alan Purisima na bibigyang hustisya ang sinapit ng biktima.
“I assure the family that we will do our best in the investigation and in follow-up operations to ensure justice. I will personally monitor the developments in this case,” pahayag ni Purisima sa press briefing sa Camp Crame kahapon.
- Latest