Katapatan at pagtitimpi sa sex susi para maiwasan ang sakit na HIV-AIDS
MANILA, Philippines - Ang pagtitimpi sa sex at katapatan sa asawa ang pangunahing solusyon upang maiwasan ang problema ng bansa sa HIV-AIDS infection.
Ito ang paniniwala ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace.
Ang pahayag na ito ay kasunod nang nalalapit na pag-obserba ng Simbahang Katoliko sa 2nd National AIDS Sunday sa Disyembre 2 na may temang “Getting to Zero. Be true. Stay True.”
Aniya, ang pagkalat ng nakamamatay na HIV virus ay indikasyon ng problemang pang-ispiritwal at moral ng tao.
Nanawagan rin si Pabillo sa lahat ng dioceses sa bansa na mas maging masigasig sa pagdedeklara ng mga pamamaraan upang maiwasan ng mga mamamayan ang pagkaroon ng HIV-AIDS infection.
Dapat na ituro ng mga pari sa publiko na ang premarital abstinence ay dapat na pag-aralan ng mga mag-nobyo pa lamang dahil makapaghihintay ang tunay na pag-ibig.
Ikinaaalarma ng Obispo ang ulat na siyam na Pinoy ang tinatamaan ng naturang sakit araw-araw at hindi nakakaligtas maging ang mga kabataan.
Sa ngayon aniya ay mahigit 10,000 na ang HIV cases sa bansa at 1/3 nito ay nagkaka-edad lamang ng 15-24.
Ang 80% naman ng mga bagong kaso ay nakuha sa pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki at isa sa bawat 10 kaso ay overseas Filipino workers (OFWs).Maging ang mga HIV cases sa mga injecting drug users ay tumataas na rin.
Aminado si Pabillo na nahaharap ang simbahan sa malaking hamon na maabot ang mga naturang vulnerable groups at humanap ng akmang tugon para masolusyunan ang problema sa prostitusyon, human trafficking, kahirapan, corruption ng moralidad at illegal na droga.
- Latest