Growling Tigers sinibak Blue Eagles sa Final 4
MANILA, Philippines — Buhay na buhay ang tsansa ng University of Sto. Tomas na makapasok sa Final Four matapos nilang gilitan ang Ateneo de Manila University, 89-84, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Naging matatag sa payoff period ang Growling Tigers matapos silang akayin sa dikdikang labanan nina Landyn Jumawan, Mark Llemit at Collins Akowe para makuha ang pang-pitong panalo sa 12 laro.
Lumakas ang kapit ng Espana-based squad sa No. 5 spot sa kanilang 7-6 baraha, habang laglag na ang Blue Eagles na may 5-8 record.
Inangkin ng Blue Eagles ang first period, 23-20, matapos nilang sabayan ang tikas ng Growling Tigers.
Ngunit naging mabalasik ang UST sa second quarter at inagaw ang 50-39 halftime lead sa sa Ateneo.
Nagpatuloy ang mainit na laro ng Growling Tigers sa third period kaya abante pa rin sila sa 69-60 papasok ng final canto.
Uminit ang labanan sa fourth canto nang maibaba ng Blue Eagles ang kanilang hinahabol sa dalawang puntos, 74-76.
Subalit muling inilayo ng UST ang iskor matapos ang three-point play ni Akowe at jumper ni Llemit, 81-74, sa huling 3:27 minuto sa laro.
Hindi na nakahabol ang Ateneo para tuluyang yumuko sa laban.
Sa unang laro, sinibak ng La Salle ang Adamson, 84-69, para sa kanilang 7-5 baraha katabla ang Far Eastern University.
- Latest


















